Mariing pinabulaanan ng pamunuuan ng isang mall sa Pasay City ang kumakalat na message hinggil sa napipintong pagguho umano nito kasunod pagputok ng Bulkang Taal.
Sa ipinalabas na pahayag ng SM Mall of Asia, kanilang iginiit na suportado ng tambak na kongkreto ang gusali ng mall na umaabot hanggang bedrock o solidong deposito ng lupa sa ilalim ng katubigan.
Kanila ring tiniyak na mahigpit nilang ipinatutupad ang regular na pagsusuri sa gusali ng Mall of Asia para sa kaligtasan ng kanilang mga customers, empleyado at mga tenants.
Una rito, kumalat ang mensahe kung saan ipinaiiwas ang publiko sa pagtungo sa Mall of Asia bunsod umano ng nasirang pundasyon nito na sinasabing dahilan ng pagpasok ng tubig dagat sa ilalim ng gusali.
Nakatayo ang Mall of Asia na itinuturing bilang isa sa pinakamalaking mall sa bansa sa Macapagal, Pasay City na bahagi ng reclaimed area ng Manila Bay.