Nanindigan si NCRPO Director Chief Supt. Oscar Albayalde na walang batayan ang kumakalat na balita hingil sa umano’y planong pag-atake ng mga terorista sa Metro Manila.
Ito’y matapos kumalat ang text messages na may apat na kababaihan umano ang maghahasik ng kaguluhan sa kalakhang Maynila na nagresulta sa pagkabahala at takot sa publiko dahil sa naganap na pagsabog sa Davao City noong nakaraang Biyernes.
Tiniyak ni Albayalde na handa ang lahat ng police units sa buong Metro Manila, kasabay ng pagpapatupad ng “full alert” sa lahat ng hanay ng pulisya upang mapanatili ang seguridad sa publiko at mapigil ang posibleng terrorist attack.
Inatasan din ni Albayalde ang lahat ng kapulisan na nasa ilalim ng NCRPO na lalo pang paigtingin ang ipinapatupad nilang checkpoints at paigtingin din ang kanilang police visibility sa lahat ng simbahan, malls, transportation terminals, at ilan pang matataong lugar.
Pinaalalahanan din ng opisyal ang publiko na maging mapagmatyag at manatiling kalmado.
By: Meann Tanbio / (Reporter No. 25) Allan Francisco