Paiimbestigahan ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang ulat na nakita umano si dating Calauan, Laguna mayor at convicted rapist-murderer Antonio Sanchez sa labas ng New Bilibid Prison (NBP).
Kasunod ito ng mga naglabasang pahayag sa social media na nagsasabing marami na ang nakakita kay Sanchez sa kanyang tahanan sa Calauan, halos dalawang buwan na ang nakalilipas.
Partikular na nakakakita umano kay Sanchez na nakalalaya ay ang mga kapitbahay nito sa Calauan.
Samantala, mariin namang itinanggi ni Bureau of Correction (BuCor) Director General Nicanor Faeldon ang nabanggit na balita.
Paggigiit ni Faeldon, simula ng makulong sa NBP si Sanchez, hindi aniya ito binibigyan ng special treatment at nananatili lamang nakakulong sa selda nito.
BuCor kumambiyo sa napipinto umanong paglaya ni Sanchez
Kumambiyo si Bureau of Corrections Director General Nicanor Faeldon sa ulat na isa ang convicted murder at rapist na si dating Calauan, Laguna mayor Antonio Sanchez sa 11,000 preso na makakalaya dahil sa pagkakaroon ng “good behavior”.
Ayon kay Faeldon, hindi pa tuluyang makakalaya si Sanchez kahit pa posibleng mabawasan ang panahon nito sa bilangguan dahil sa sinasabing pagiging mabuti nito habang nakakulong.
Ayon kay Faeldon, maaaring hindi maging kuwalipikado si Sanchez para sa good conduct time allowance (GCTA) kung titignan aniya ang record nito.
Sinabi ni Faeldon, maraming naging paglabag si Sanchez tulad na lamang ng pagkakakakumpiska ng P1.5-M na halaga ng iligal na droga sa selda nito sa New Bilibid Prison noong 2010.
Gayundin aniya ang mga nadiskubreng flat screen T.V. at air conditioning unit noong 2015 na maaaring ikaltas sa oras ng kanyang GCTA.