Tinawag na ‘fake news’ ng Department of Education (DepEd) ang isang litrato na kumalat sa social media na nagpapakita ng umano’y school calendar para sa taong ito.
Sa nasabing litrato, makikitang magbubukas umano ang school year 2020-2021 sa August 3 at magtatapos sa April 16, 2021.
Nakalagay na rin sa nasabing litrato ang schedule ng quarterly examinations, Christmas break at iba pa.
Binigyang diin ng DepEd na ilalabas nila ang official school calendar para sa darating na school year sa pamamagitan ng isang memorandum na kanilang ipopost sa kanilang website at Facebook page.
Pinayuhan ng DepEd ang publiko na maging maingat sa pagpapakalat ng hindi beripikdong impormasyon lalo na sa social media.
Una nang inihayag ni Education Secretary Leonor Briones na malaki ang posibilidad na sa buwan ng Agosto na magbukas ang school year 2020-2021 sa elementary at high school level.