Tiniyak ng mga kumpaniyang Galaxy Entertainment Group at ng Leisure and Resorts World Corporation kay Pangulong Rodrigo Duterte na pangangalagaan nila ang kalikasan sa isla ng Boracay.
Ito ang inihayag ni Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) Chairperson Andrea Domingo sa harap na rin ng naging pagpupulong nila sa Pangulo kamakailan.
Binigyang diin umano ng Pangulo sa dalawang nasabing kumpaniya ayon kay Domingo ang pangangailangan na protektahan at pahalagahan ang kalikasan sa kabila ng kaliwa’t kanang katiwaliang bumabalot dito.
Samantala, inihayag ng Leisure and Resorts World Incorporated na naghihintay na lamang sila ng provisional license mula sa PAGCOR bago masimulan na ang pagtatayo sa hotel-casino sa 23-ektaryang lupa na nabili nila sa bahagi ng Barangay Manoc-Manoc.
Magugunitang umani ng samu’t saring batikos ang naturang plano kasunod na rin ng napipintong pagpapasara ng gobyerno sa Boracay sanhi ng iba’t ibang usaping pangkalikasan.
—-