Pumalo na sa mahigit 98,000 ang kabuuang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa buong mundo.
Batay ito sa pinakahuling datos ng World Health Organization (WHO) kung saan nasa 2, 736 na mga bagong kaso ang kanilang naitala mula sa 47 mga bansa at territories sa loob ng 24 oras.
Ayon kay WHO Director General Tedros Adhanom Ghebreyesus, kasalukuyang nasa bingit nang pumalo ng 100,000 mga kaso ng COVID-19 sa buong mundo.
Kasunod nito, sinabi ni Ghebreyesus na patuloy nilang inirerekomenda sa lahat ng mga bansa ang pagsasagawa ng mga hakbang para mapigilan ang pagkalat ng virus.
Gayundin ang paghahanap o pagtrace, contact, pagsasailalim sa pagsusuri at pag-isolate sa bawat hinihinalang kaso.
Batay naman sa datos ng John Hopkins University sa America, pumalo na sa mahigit 101,000 ang bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa buong mundo kung saan halos 3,500 na anila ang nasawi.