Ipinauubaya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Commission on Appointments (CA) ang kumpirmasyon ni Environment Secretary Gina Lopez.
Ayon sa Pangulo, nananatili ang kanyang tiwala kay Lopez sa kabila ng kontrobersiyal na desisyon nito sa pagpapasara sa higit dalawampung (20) minahan at kanselasyon ng may pitumpu’t limang (75) mineral production sharing agreements.
Ngunit hindi lang umano siya ang dapat na mag-desisyon kundi kailangan na dumaan ito sa proseso bilang bahagi ng demokrasya.
Kasabay nito, nangako si Duterte na hindi na niya muling itatalaga si Lopez kung ito’y muling babagsak sa CA.
Una nang nabigong makakuha ng kumpirmasyon si Lopez noong Disyembre ng nakaraang taon ngunit muling itinalaga ng Pangulo bilang kalihim ng kagawaran.
Nakatakdang sumalang sa confirmation hearing ang kalihim sa bukas, March 1.
By Rianne Briones
*DENR Photo