Hinihintay ng Malakaniyang ang kumpirmasyon mula sa mga awtoridad hinggil sa ulat na napatay at nailibing na ang magkapatid na Omar at Abdullah Maute sa Marawi City.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, kailangang magmula mismo sa mga awtoridad ang opisyal na anunsyo hinggil sa kinasapitan ng magkapatid na Maute.
Sinasabing ang magkapatid na Omar at Abdullah ang siyang utak ng teroristang grupo na sumalakay sa Marawi City hanggang sa umanib na ang bandidong Abu Sayaf at hirangin bilang Emir si Isnilon Hapilon.
Batay sa impormasyon mula sa naarestong ina ng Maute Brothers na si Farhana, nakita pa umano niya mismo na inilibing ang kaniyang mga anak bago sila arestuhin.
Gayunman, hindi pa rin ito kinukumpirma ng AFP o Armed Forces of the Philippines at patuloy nilang inaalam ang katotohanan sa likod nito o hanggang may ebidensya nang susuporta sa naturang impormasyon.
By: Jaymark Dagala / Aileen Taliping