Itinanggi ng Armed Forces of the Philippines o AFP ang pahayag ni Philippine National Police o PNP Chief, Director General Ronald Dela Rosa na may bago nang lider ang grupong Maute – ISIS sa Marawi City sa katauhan ng Malaysian terrorist na si Amin Baco alyas Abu Jihad.
Ayon kay AFP Spokesman, Major General Restituto Padilla, wala nang lider ngayon ang mga nalalabing Maute member o straggler sa Marawi, naniniwala din silang patay na si Baco at ang labi nito ang siyang hinahanap na ngayon ng mga sundalo.
Malaki aniya ang posibilidad na isa si Baco sa siyam na teroristang napatay ng militar sa operasyon sa main battle area ng lungsod, noong Linggo.
Pagtitiyak ng opisyal, hindi na maka-i-impluwensya pa sa seguridad ng Marawi ang mga straggler.