Mahigit 18,000 aplikante sa pagka-kadete ang kumuha ng entrance exam sa Philippine National Police Academy (PNPA).
Ayon iyan kay PNPA spokesperson p/Ltcol. Byron Allatog matapos ang pag-arangkada kahapon ng kanilang cadet admission test sa may 31 testing centers sa buong bansa.
Mula aniya sa 22,673 na registered applicants, sinabi ni Allatog na aabot sa 18, 169 ang kabuuang bilang ng mga kumuha ng nasabing pagsusulit.
Ito’y dahil aniya sa marami sa mga aplikante partikular na sa lalawigan ng Cagayan ang nabigong makakuha ng pagsusulit dahil hinagupit ito ng nagdaang bagyong ‘quiel’.
Kasunod nito, sinabi ni Allatog na ang mga makapapasa sa nasabing pagsusulit ay kailangang dumaan sa medical, neuro-psychiatric at physcial agility test saka isasalang sa board interview bago tuluyang makapasok sa PNPA.
Pero binigyang diin ni Allatog na tanging nasa mahigit 300 kadete lamang ang tatanggapin ng PNPA mula sa libu-libong nagnanais makapasok sa akademiya.