Ngayong linggo ating ipagdiwang ang Mother’s Day o araw ng mga ina sa buong mundo.
At kapag ganitong okasyon, ilan sa atin ay “guilty” na ngayon lamang natin nabibigyan ng halaga ang mga nai-ambag nila sa ating buhay.
Lahat tayo ay utang natin sa ating mga ina kung bakit tayo naririto sa mundo.
Kaya nga, habang isinasariwa natin ang mga nagdaang taon na tayo ay nasa piling pa niya, tulad na lamang ng tayo ay nasa sinapupunan pa, doon pa lamang ay maingat na tayong inaalagaan ng ating mga ina.
At mas matindi pa nga nang tayo ay isinilang, biruin mo, bagamat masakit ang manganak, hindi biro ang pinagdaanan ng ating mga ina, lalo na sa panahon tayo ay nagugutom, pinaghahandaan niya ang gatas na ating iinumin, at kapag tayo ay tinawag ng kalikasan, wala silang reklamong gigising ng dis-oras ng gabi, upang tayo ay patatahanin.
Nariyan din ang pagkakataon ng tayo ay nasaktan, sugatan sa kakalikot, nandiyan sila para tayo ay pakalmahin at arugain para maibsan ang sakit na ating nadarama.
Ngunit habang tayo ay lumaki, maraming eksena na hindi natin siya pinakikinggan at madalas feeling mo na siya ay “kontrabida”.
Pero, kahit ganun ang isinusukli natin sa kanya, nariyan pa rin siya sa ating piling para siya ay makinig sa ating mga problema at pangangailangan.
Ibang klase talaga ang pagmamahal na inilalaan ng mga ina sa atin, ang hirap tumbasan.
Ngayon, ilan sa atin ay hindi na kapiling ang kanilang mga ina, maging ito ay yumao na o di kaya ay nasa ibang bansa o lalawigan, ang mahalaga ay naalala natin sila hindi lamang sa araw ng mga ina, bagkus ay habang sila ay nariyan pa at humihinga.
Minsan ay nakakaligtaan nating bigyan sila ng regalo tulad ng bulaklak, para isang paraan na pasalamatan sila sa kanilang sakripisyo at pagmamahal sa atin.
Sa totoo lamang, hindi naman nagrereklamo ang mga ina natin na tila nakakalimutan na sila ng kanilang mga anak.
Kaya ngayon, may paraan upang makabawi tayo sa mga taong ipinasawalang-bahala lamang natin ang kanilang pagsisikap.
Maari mo siyang tawagan ngayon sa telepono at sabihin kung gaano siya ka-importante sa buhay mo at nagpapasalamat ka sa kanyang pagmamahal.
Puwede ring imbitahin siya sa isang salo-salo para makapiling din niya ang kanyang mga apo, at least tipid at memorable.
At sa mga ina na hindi niyo na kapiling o yaong mga sumakabilang buhay na, maglaan tayo ng oras upang mag-alay ng panalangin.
At higit sa lahat, ang okasyong ito, ang Mother’s Day ay araw ng pasasalamat sa kanilang ini-ambag kung ano tayo ngayon.
Kaya huwag kang mahiyang sabihin sa iyong ina, I LOVE YOU MOM at HAPPY MOTHER’S DAY! (By: ALEX SANTOS)