Kriminal ka at hindi ka law enforcer kung babarilin mo habang nakaluhod at nakatalikod ang isang tao.
Ito ang emosyunal na sagot ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald ‘Bato’ Dela Rosa nang tanungin ni Senador Bam Aquino kung tama ba ang paraan ng pagpatay sa binatilyong si Kian Loyd Delos Santos.
Siguro napaka — hindi ko ma-justify, your honor, yung barilin yung tao na nakaluhod.
Ang akin lang, kung nakaluhod ‘yan si Kian at nakatalikod tapos babarilin mo, eh kriminal ka, murderer ka, hindi ka law enforcer.
Sa pagdinig ng senado kaugnay sa kaso ni Kian Loyd, kinumpirma ng PNP Crime Laboratory at ng PAO o Public Attorney’s Office na ayon sa kanilang autopsy report, binaril ang binatilyo habang nakaluhod at nakatalikod ng gunman.
Base sa ballistic examination, nag-matched ang basyo ng baril na nakita sa katawan ni Kian sa baril ni PO3 Arnel Oares.
Habang tumanggi namang sagutin ni PO1 Jerwin Cruz kung sino ang nakita niyang bumaril kay Kian.
Sina PO1 Jerwin Cruz at PO3 Arnel Oares kasama si PO1 Jeremias Pereda, ang mga pulis – Caloocan na sangkot sa pagkamatay ni Kian Loyd noong Agosto 16.