Posibleng bumaba ang bilang ng COVID-19 cases kung palalawigin nang hanggang limang linggo ang enhanced community quarantine sa Metro Manila.
Batay sa projection ng Department of Health, maaaring bumaba sa 15,262 ang active cases kada araw sa National Capital Region bago matapos ang Setyembre.
Ito’y ayon kay DOH Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire, ay kung magpapatupad ng isang linggong general community quarantine with heightened restrictions at limang linggong ECQ.
Pero kung isang linggong GCQ with heightened restrictions at tatlong linggong ECQ na susundan ng dalawang linggong modified ECQ, aabutin naman ng 42,050 ang daily active cases sa NCR.
Gayunman, posible aniyang sumirit sa 58,255 ang daily cases kung isang linggong GCQ with heightened restrictions, dalawang linggong ECQ na susundan ng tatlong MECQ bago matapos ang Setyembre.
Sa kasalukuyan, halos 21,000 ang aktibong kaso sa Metro Manila.—sa panulat ni Drew Nacino