Binomba ng militar ang kuta ng mga natitira pang miyembro ng Maute-ISIS sa kabundukan ng Tuburan Lanao del Sur.
Ayon kay Col. Romeo Brawner, Deputy Commander ng Joint Task Group Ranao, bahagi pa rin ito ng inilunsad nilang military operations para tugisin ang natitira pang mga miyembro ng Maute-ISIS.
Sinabi ni Brawner na isinagawa ang airstrike matapos nilang makumpirma ang lokasyon ng mga terorista.
Sa ngayon ay patuloy ang pagtugis na ginagawa ng militar sa mga tumakas na miyembro ng Maute-ISIS na anya ay pinamumunuan na ng isang alyas Abudar.
Tiniyak ni Brawner na walang sibilyang nadamay sa airstrike dahil nagsilikas muna ang mga ito sa kabayanan.
Aabot na sa mahigit pitong daang (700) pamilya ang nagsilikas matapos sumiklab ang bakbakan sa pagitan ng militar at ng mga nalalabing miyembro ng Maute-ISIS group.
Samantala, tiniyak ni Autonomous Region in Muslim Mindanao o ARMM Assemblyman Zia Alonto Adiong na kumikilos na ang mga local disaster officials sa lalawigan para magbigay ayuda sa mga lumilikas na pamilya.
Batay sa tala ng lokal na pamahalaan ng Lanao del Sur, mahigit dalawang daan at limampung (250) pamilya ang nagsilikas mula sa bayan ng Pagayawan habang nasa limang daang (500) pamilya naman sa bayang Tubaran bunsod ng bakbakan.
Patuloy ring inaalam ng local government ang lagay ng mga residente mula sa barangay Padas at Diampaca sa Pagawayan na nananatiling naiipit sa bakbakan.
Krista de Dios