Nakipagpulong sa matataas na opisyal ng Kuwait sina Presidential Adviser on Overseas Filipino Workers (OFW) Concerns Secretary Abdullah D. Mama-o at Philippine Embassy in Kuwait Consul General Noordin Pendosina Lomondot.
Ang nasabing pulong ay ginawa sa Kuwait kung saan nakaharap ng mga opisyal ang mga kinatawan mula sa Ministry of Foreign Affairs ng Kuwait upang tutukan ang mga isyung may kinalaman sa kaligtasan ng halos 230,000 Pinoy sa nasabing bansa.
Kabilang sa mga dumalo sa panig ng Kuwait si Kuwaiti Deputy Foreign Affairs Minister Khaled Al Jarallah.
Ipinaliwanag ng mga opisyal ng pamhalaan ang nilalaman ng umiiral na deployment ban ng OFWs sa Kuwait –base na rin sa naging desisyon ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) Governing Board.
Nagpasalamat naman si Mama-o sa gobyerno ng Kuwait dahil sa mabilis na aksyon upang matiyak ang hustisya sa pagkamatay ni Pinay domestic worker Jeanelyn Villavende partikular ang agarang pag-aresto sa employers nito.
Tiniyak naman ni Deputy Foreign Minister Al Jarallah na papayagan nila ang mga imbestigador mula sa Pilipinas na makilahok sa ginagawang imbestigasyon sa kaso bilang pagpapakita ng kanilang katapatan sa usapin.
Inaasahang sa lalong madaling panahon ay ilalabas ng Kuwaiti Foreign Ministry Office ang full reports ng police investigation at autopsy sa kaso ni Villavende.