Iginiit ng Special Alliance of Welfare Officers, Advocates, Recruiters and Migrant Workers o SWARM, na ang bansang Kuwait ang unang lumabag sa kasunduan nila ng Pilipinas.
Ayon kay SWARM Founder, Atty. David Castillon, bukod sa bilateral labor agreement ng Kuwait at Pilipinas, may tatlo pang kontrata ang nalabag na dapat ay pinipirmahan ng isang overseas Filipino worker bago umalis ng bansa.
Binubuo ito ng recruitment violation, employment contract at recruitment service agreement na magsisiguro sana sa kaligtasan ng mga OFW na nais magtrabaho sa Kuwait.
Nanawagan sa mga mambabatas maging sa mga opisyal ng Department of Migrant Worker si Atty. Castillon, na bigyang-pansin ang nasabing mga paglabag upang masolusyonan ang bilateral issue ng Pilipinas.
Iginiit pa ni Atty. Castillon, na malaking kawalan sa mga manggagawang Pilipino ang entry ban dahil kung tutuusin, napakarami nang OFW ang umangat ang buhay dahil sa tulong ng nasabing bansa.
Bukod pa dito, ang Kuwait din ang tumulong sa Pilipinas nang magpataw ng OFW deployment ban sa Saudi Arabia.