Itinuturing na isang asset ng Malakaniyang si CNN Hero of the Year Efren Peñaflorida sakaling tanggapin nito ang posisyon bilang Chairman ng PCUP o Presidential Commission on Urban Poor.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, isang very good choice aniya si Peñaflorida na maitalaga sa posisyong tumutugon at kumakailanga sa mga maralita.
Subalit nilinaw ni Roque na wala pang pormal na alok ang Pangulo kay “Kuya Ef” pero ipinahahanap na aniya ito kay Special Assistant to the President Sec. Bong Go.
Sa panig naman ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar, sinisimbulo ni “Kuya Ef” ang mga mahihirap na naka-angat sa buhay na ngayo’y tumutulong naman sa mga mahihirap.
Magugunitang nakilala si “Kuya Ef” sa kaniyang kariton class room kung saan, naglilibot siya sa iba’t ibang panig ng bansa para magturo sa mga batang hindi nabigyan ng pagkakataong mag-aral sa pormal na paaralan.