Iminungkahi ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) na gamitin ang mga wika sa bansa para magbigay ng kaalaman tungkol sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito’y kasabay ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika ngayong Agosto.
Ayon kay KWF Commissioner Arthur Cassanova, mahalagang magamit sa panahon ngayon ang mga wika sa bansa upang lubos na naiintindihan ng publiko ang mga impormasyon na kailangan nilang malaman.
Kaugnay nito, isinalin ng komisyon sa mga wika ng katutubo at wika mula sa iba’t ibang rehiyon ang mga impormasyong nakalap kaugnay sa COVID-19.
Sinabi ni Cassanova na naghihintay pa sila ng mga infographics na hihilinging isalin sa wikang Filipino at iba pang katutubong wika.
Sa ngayon umano ay mayroon ng mga infographic na may kinalaman sa COVID-19 ang naisalin sa 10 wika.