Kinumpirma na ni Kylie Padilla ang kanyang pagbubuntis na una nang lumutang bago pa man i-announce ang kanilang engagement ng kapwa Kapuso star Aljur Abrenica.
Ayon kay Kylie, kinutuban na siyang buntis siya dahil palagi siyang pagod, palagiang natutulog at sobrang takaw niya.
Bukod ditto, sinabi ni Kylie na nagsusuka na siya at pinakamalaking kumpirmasyon ng duda niyang buntis siya – hindi na siya nagkaroon gayung regular ang kanyang buwanang dalaw.
Dahil sa mga senyales na ito, inihayag ni Kylie na sinabihan niya si Aljur na bumili ng pregnancy test kit na nagpatunay nga na “she’s on the family way” ng tatlong buwan na.
Natutuwa aniya siya dahil sa napaka-cool na sagot sa kaniya ni Aljur nang ipaalam niyang buntis siya, ang sabi lang ni Aljur, okay, punta tayo ng OB bukas.
Ipinabatid ni Kylie na si Gabbie Garcia na kanyang kasama sa Encantandia ang una niyang pinagsabihan ng kanyang kalagayan kayat super protective ito aniya sa kaniya lalo na sa kaniyang fight scenes sa nasabing serye.
Binigyang diin ni Kylie na nakumpleto ang kaligayahan niya nang maka-dinner date ang amang si Robin Padilla na pinayuhan pa siyang paghandaan ang buhay may asawa at huwag tumulad sa kaniya.
Sa huli, sinabi ni Kylie na natutuwa si Robin at sinabihan ang anak na alagaan ang kaniyang apo bago pinicturan ang kopya ng ultrasound ng panganay nina Kylie at Aljur.
By Judith Larino