(Updated)
Patay ang 9 katao sa pagtama ng magnitude 6.4 na lindol sa Japan.
Sa lakas ng pagyanig, maraming gusali ang gumuho at naputol din ang suplay ng kuryente sa ilang bahagi ng Japan.
Dahil dito, papalo sa mahigit 700 ang nasugatan sa insidente.
Ayon kay Yoshihide Suga, Chief Spokesman ng pamahalaan ng Japan, nakapag-deploy na ang pamahalaan ng 1,600 na sundalo upang mamahagi ng tulong sa mga residente.
Pahirapan ang rescue operations, dahil sa mga naitatalang aftershocks na umabot na sa mahigit 100.
Samantala, tiniyak naman ng mga awtoridad sa Japan na hindi naapektuhan ng malakas na lindol ang nuclear reactors ng Japan.
Matatandaang dakong alas-8:30 ng gabi, oras sa Pilipinas nang yanigin ng magnitude 6.4 ang Kyushu Island.
Natunton ng Japan Meteorological Agency ang sentro ng pagyanig sa 12 kilometro, kanluran hilagang-kanluran ng Kumamoto City, Kumamoto Prefecture sa lalim na 10 kilometro.
Naramdaman ang intensity 7 sa naturang lungsod maging sa bayan ng Mashiki habang intensity 6 sa ilan pang karatig lugar gaya ng Nishihara-mura at Tamana-shi.
Hindi naman nagdulot ng tsunami ang malakas na pagyanig na tumagal ng 30 segundo.
By Drew Nacino | Ralph Obina | Katrina Valle
Photo Credit: Reuters/ Kyoto