Nanawagan si La Paz, Abra Mayor Joseph Bernos kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ng karagdagang tulong matapos tumama ang magnitude 7 na lindol sa kanilang lugar.
Matatandaang bumisita si Pangulong Marcos sa Abra kahapon, Hulyo a-28, upang tingnan ang kalagayan ng mga residente.
Nagkasa din ng pagpupulong si PBBM para alamin ang mga pangangailangan sa rehiyon kung saan, agad na inihirit ng alkalde ang karagdagang transportasyon para agad na maaksiyonan o matugunan ang mga kababayan nating nangangailangan ng tulong.
Ayon kay Bernos, sa ngayon nasa 16 na fire station na may 4 na firetrucks ang probinsya ng Abra pero mga luma na ito at hindi mga moderno.
Umaasa ang alkalde, na mapagbibigyan ni PBBM ang kanilang hiling na madagdagan ng mga ambulansya at fire trucks ang kanilang lugar upang magagamit sa panahon ng kalamidad.
Tiwala din si Bernos, na sa ilalim ng administrasyon ni Marcos ay mabilis nilang makukuha ang kanilang mga kahilingan dahil ilocano ang kasalukuyang presidente.
Samantala, sa naging pahayag naman ni PBBM, kaniyang sinabi na kanilang pag-uusapan at pag-aaralan ang mga nangungunang problema at kakulangan sa abra na bahagyang napag-iwanan na ng panahon.