LALO pang pinaigting ng isang telecommunications company o telco ang laban nito kontra spam messages kasabay nang pagpapalakas ng kanilang cybersecurity team.
Ayon kay Anton Bonifacio, Chief Information Security Officer ng Globe, kasama ito sa Internal Cybersecurity at Data Privacy group na siyang sumasagot at tumutugon sa mga reklamo kaugnay sa mga spam messages na natatanggap ng mga subscribers sa kanilang mobile phones kahit walang pahintulot mula sa kanila.
Kasama rito ang mga paanyaya na lumahok sa promo, mag-download ng application, o impormasyon ukol sa isang produkto o serbisyo.
Tinatayang 5,670 na mga numero na ang na-deactivate ng telco at halos 71 milyon na spam messages ang na-block nito ngayong taon.
Nabatid na namuhunan ito ng karagadagang $7.25 million sa CAPEX mula nang magsimula ang pandemya para sa pagpapalakas ng anti-spam capabilities ng Globe habang nakipagsanib-pwersa na rin ito sa mga malalaking universal at commercial banks, maging sa mga online platforms tulad ng Lazada at Shopee para matugunan ang problema sa spams at maging mga scams at iba pang phishing activities.
Ang mga partner companies na ito ang nag-re-report ng mga pekeng numero, spoofed o pekeng sender names at websites, na siyang agarang hinaharang ng Globe sa kanilang network.
Samantala, suportado rin ng nasabing telco ang United Nations Sustainable Development Goals, particularly ang UN SDG No.9, na siyang nagbibigay-diin sa importanteng papel ng infrastructure at innovation para sa ikauunlad ng ekonomiya habang nakatuon din ito sa pagtataguyod ng UN Global Compact principles at 10 UN SDGs.