Kumikilos na ang Philippine National Police (PNP) para kunin ang bangkay na pinaglalamayan ngayon ng pamilya ni Reynaldo ‘Kulot’ de Guzman sa Cainta, Rizal.
Ayon kay PNP Spokesman Chief Superintendent Dionardo Carlos, Dapat itong ibigay ng pamilya lalo’t napatunayan naman ng DNA test na hindi nila kaanak ang nasabing bangkay na nakita sa isang sapa sa Nueva Ecija.
Aniya, hindi din maaaring ilibing ng pamilya ni Kulot ang naturang bangkay.
Dagdag pa ni Carlos, ang Gapan police ang kukuha sa bangkay at magdadala sa punerarya.
Ito din aniya mag-iimbestiga sa kaso dahil sila ang hahawak ng naturang labi na itinuturing na corpus delicti o body of evidence.
Bumuo na ng special investigation task group ang CIDG o Criminal Investigation and Detection Group para imbestigahan ang kaso ng natagpuang bangkay.
Iniutos na rin sa mga istasyon ng pulis sa buong bansa ang paghahanap kay Reynaldo De Guzman alyas Kulot.
PAO may hawak na bagong testigo sa kaso nina Carl Angelo at Kulot
May hawak na bagong testigo ang PAO o Public Attorney’s Office kaugnay sa kaso nang pagpatay kay Carl Angelo Arnaiz at Reynaldo ‘Kulot’ de Guzman.
Ayon kay PAO Chief Percida Rueda – Acosta, nakita mismo ng nasabing witness ang ginawang pagpaslang sa mga binata.
Magugunitang sina Arnaiz at De Guzman ay huling nakita noong Agosto 17 at sinasabing hindi na nakabalik pa sa kanilang mga bahay bago natagpuan na kapwa patay na sa magkaibang lugar.
______