Hindi napigilang maglabas ng sama ng loob ni Philippine Army Chief Lt/Gen. Gilbert Gapay sa sinapit ng apat niyang tauhan sa kamay ng mga pulis sa Jolo, Sulu nitong Lunes.
Ayon kay Gapay, maiiwasan sana ang nangyari kung may mataas na disiplina lang sana ang mga pulis sa kanilang sarili at mayruong maayos na pagsasanay o training.
Bagama’t aminado si Gapay na mataas ngayon ang tensyon sa pagitan ng mga sundalo at pulis sa Mindanao, nagawa naman nilang paliwanagan ang mga commanding officer na nagbabalak na gumanti.
Samantala, kasalukuyan nang nasa Metro Manila ang labi ng tatlo sa apat na sundalong nasawi sa kamay ng mga pulis sa Jolo lulan ng eroplano mula sa Philippine Airforce.
Pinangalanan ni gapay ang mga ito ay sina Maj. Marvin Indammog, Cpt. Irwin Managuelod at Sgt. Jaime Velasco na pawang kasapi ng 11th infantry battalion.
Isinailalim ang mga ito sa autopsy at saka naman ibuburol sa Philippine Army headquarters sa Taguig bago ihatid sa huling hantungan sa libingan ng mga bayani.