Isinasaayos na ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pag-uuwi sa labi ng apat na Overseas Filipino Workers (OFW’s) na nasawi sa nangyaring kambal na pagsabog sa Beirut, Lebanon.
Ayon kay Labor Sec. Silvestre Bello III, itinakda ang pagpapauwi sa labi ng mga nabanggit na OFW’s sa Agosto 20 sa pamamagitan ng chartered flight.
Pinakahuli aniya sa mga nasawi ang OFW na si Milagros Sumaculob na malubhang nasugatan habang ginagamot sa ospital.
Kasunod nito, tiniyak ni Bello ang karampatang tulong sa pamilya ng mga nasawing OFW kung saan, bibigyan sila ng P120,000 bereavement benefits.
Madadagdagan pa ito ng $10,000 na benepisyo sakaling mayroon din ang mga ito na overseas employment certificate (OEC).