Natagpuang nakasilid sa isang sako sa Barangay Zone 2, Atimonan, Quezon, ang mga labi ng isang batang babaeng pinaghihinalaang ginahasa.
Sa ulat ng Atimonan Police, nagtungo sa istasyon ang mangangalakal na si Peter Aureada, kasama ang isang siyam na taong gulang na lalaki, kung saan nila iniulat ang pagkakadiskubre sa labi ng biktimang itinago sa pangalang “Mae”.
Natuklasang wala nang pang-ibabang saplot ang biktima.
Batay sa ginawang backtracking sa CCTV, nakitang naglalakad ang biktima kasama si Aureada, kaya agad itong inaresto.
Ayon sa pulisya, nagkunwaring concerned citizen ang suspek sa pamamagitan ng pag-report ng insidente upang makaiwas sa krimen.
Nahaharap ang suspek sa reklamong rape with homicide.
Samantala, nasa kustodiya na ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ang batang lalaking kasama ng suspek.