Bandang alas-siyete ng umaga noong June 11, 2024, napansin ng ilang residente ng isang village sa Andhra Pradesh, India ang palutang-lutang na katawan ng isang lalaki sa lawa.
Noong una, hindi nag-panic ang mga residente. Ngunit makalipas ang limang oras, napansin nilang hindi pa rin kumikilos ang lalaki kahit sigawan na nila ito. Dito na sila natakot at tumawag ng mga pulis dahil ang akala nila, patay na ang lalaki.
Agad na rumesponde ang mga pulis, maging ang emergency medical services team na mayroong 108 personnel, upang i-rescue ang lalaki.
Maging ang mga awtoridad ay kumbinsido na wala nang buhay ang lalaki. Ngunit nang marekober nila ang katawan, bigla itong bumangon!
Tila naalimpungatan ang lalaki at nagtaka kung bakit maraming taong nakapalibot sa kanya.
Ang ilang residente at awtoridad, natawa na lamang sa nangyari.
Nang mahimasmasan na, ipinaliwanag niya sa mga pulis na sampung araw na siyang nagtratrabaho sa isang granite quarry kung saan tumatagal ng 12 oras ang kanyang shift kada araw.
Kaya sa kanyang day-off, napagdesisyunan niyang uminom ng alak upang makapag-relax.
Dahil sa sobrang pagod at init ng panahon, lumangoy muna siya sa lawa; ngunit dahil sa kalasingan, unti-unti na siyang nakatulog. Sa lalim ng kanyang pagkakahimbing, hindi na niya namalayan ang nangyayari sa paligid niya.
Marami man ang natawa sa insidenteng ito, naging paalala ito sa atin sa kahalagahan ng pahinga. Kaya kung pagod ka na, magpahinga ka muna—sa ligtas na paraan nga lang.