Isinailalim na sa review ang lahat ng CCTV cameras sa loob ng PMA o Philippine Military Academy sa Fort Del Pilar, Baguio City.
Ito’y kasunod ng nagpapatuloy na imbestigasyon ng PMA sa pagkamatay ni Cadet 4th Class Mario Telan Jr sanhi ng pagkalunod.
Ayon kay PMA Spokesperson Capt. Cherryl Tindog, batay sa kanilang isinagawang review, lumalabas na aksidente ang nangyaring pagkalunod.
Lumalabas kasi na hindi pa ganoong kabihasang lumangoy si Telan subalit ipinagpatuloy nito ang mga pagsasanay hanggang sa may kahirapang lebel.
“Actually pag ganito po na hindi pa proficient yung atin pong mga cadets sa isang particular subject ay nagbibigay po tayo ng pagkakataon sa kanila na makapag practice or makapag retake po ng examination. However, nakita rin po natin doon sa CCTV na nagperform pa siya (Telan) ng mga next phases ng kanyang examination, at yun nga po, nakita natin doon sa isang grupo nila na nung ito ay nag drank po sa water para po sa floating ay apat po silang tumalon at tatlo nalang po sila umahon,” ani Tindog.
Kahapon, binigyan ng military honors ang labi ni Telan sa PMA bago ito dinala ngayong araw ng pamilya nito sa kanilang tahanan sa Cagayan.
Kasunod nito, sinabi ni Capt. Tindog na iimbestigahan nila ang mga kaklase at iba pang kasama ni Telan noong araw na malunod ito upang magbigay linaw sa insidente.
“It could’ve been prevented kung nagawa po talaga natin ng maayos (…) that is why yung atin pong investigation ay nagpapatuloy. We are questioning the personalities involved about the incident para makita pa po natin kung ano pa po yung mga irregularities,” ani Tindog. — sa panayam ng Balitang 882.