Dadalhin na sa Philippine General Hospital (PGH) para sa otopsiya ang labi ng 120 inmates, na hindi pa rin kinukuha ng kanilang pamilya sa Eastern Funeral Services sa Muntinlupa.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, gagawin ang otopsiya para matukoy kung natural cause o biglaang pagkamatay ang dahilan ng pagkasawi ng mga preso habang nasa loob ng New Bilibid Prison.
Ang Forensic Pathologist na si Dr. Raquel Fortun na nag-otopsiya sa katawan ni Cristito Villamor, ang mangunguna muli sa eksaminasyon.
Samantala, nilinaw naman ni Remulla na hindi lahat ng katawan ng nasawing inmate ay dadalhin sa PGH, dahil hanggang 120 katawan lang ang kaya nitong tanggapin.
Maliban sa PGH, nakikipag-ugnayan na rin ang DOJ sa UP College of Medicine.
Tiniyak naman ng DOJ official na ilalabas nila ang pangalan ng mga pumanaw na bilanggo, kasama ang dahilan ng kanilang pagkamatay.