Inaasahan ang pagdating bukas, araw ng Biyernes, ika-9 ng Hulyo, ang mga labi ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) mula sa Saudi Arabia na nasawi dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, nasa 274 na labi ng OFWs ang kailangan maiuwi sa bansa.
Ngunit aniya, sa nasabing bilang ay 44 lamang ang pinayagang maiuwi sa bansa ngayong Biyernes.
Paliwanag ni Bello, mahigpit ang pamahalaan ng Saudi sa pagpapauwi ng mga labi na nasawi sa COVID-19.
Nahihirapan aniya ang mga employer na makakuha ng clearance mula Saudi police, governor’s office, cargo forwarders at mga ospital dahil kailangan umano ng note verbalE mula sa Ministry of Health at Foreign Afairs ng Saudi.
Dagdag pa ni Bello, limitado rin ang kapasidad ng eroplano ng Philippine Airlines na susundo sa mga labi.
Dahil dito, humingi ng pang-unawa ang kalihim sa mga pamilya na naulila ng mga OFW.
Aniya, nais man nilang iuwi lahat ng kanilang mahal sa buhay ay nahihirapan din sila sa requirements.
Gayunman, tiniyak ni Bello na unti-unti ay iuuwi nila ang mga ito sa bansa at sa kanilang pamilya.