Inaasahang darating na sa bansa bukas, Hunyo 19, ang bangkay ng Filipinong manggagawa na napatay sa bugbog sa Bratislava Slovakia noong nakaraang buwan.
Ayon sa Department of Foreign Affairs o DFA, ililipad ang labi ng Filipino worker na si Henry John Acorda mula Bratislava ngayong araw sakay ng eroplano ng Slovak government.
Kasabay nitong darating sa bansa si Ambassador to Vienna Maria Cleofe Natividad gayundin ang nanay at dalawang kapatid ni Acorda.
Si Acorda ay nasawi noong Mayo 31 habang ginagamot sa isang ospital sa Bratislava matapos bugbugin ng isang Slovak national nang subukan nitong tulungan ang dalawang babaeng kaibigan na hina-harass ng suspek.
—-