Dumating na sa Iloilo ang labi ng Overseas Filipino Worker o OFW na pinatay at isinilid sa freezer sa Kuwait.
Alas-5:50 ng madaling araw nang lumapag ang PAL flight 2139 sa Iloilo International Airport, lulan ang labi ni Joanna Demafelis.
Inihatid ito ni Overseas Workers Welfare Administration o OWWA Administrator Hans Leo Cacdac at Deputy Administrator Arnel Ignacio kasama ang ilan pang opisya mula sa Department of Foreign Affairs o DFA.
Sinalubong naman ang labi ni Joanna sa airport ng pamilya nito at mga kababayan.
Nakasuot ang pamilya Demafelis ng puting t-shirt na may nakasulat na Justice for Joanna.
Bumuhos naman ang emosyon ng pamilya nang ilabas na sa cargo area ang kabaong ni Joanna.
Ang labi ng OFW ay ilalagak sa kanilang tahanan sa Sara, Iloilo.
(Photo Credit: Raoul Esperas)