Dumating na sa bansa ang labi ni Joanna Demafelis, ang OFW na natagpuang patay sa loob ng isang freezer sa Kuwait.
Pasado alas-10:00 ngayong umaga nang lumapag sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA Terminal 1 ang eroplano ng Gulf Air flight GF-154 lulan ang labi ni Demafelis.
Emosyonal na sumalubong ang ilan sa kapamilya ni Demafelis kasama ang mga opisyal ng DFA at OWWA.
Una rito ay nag-alay ng dasal ang Konsulada ng Pilipinas sa Kuwait bago ibinayahe ang bangkay ni Demafelis sa pagbalik sa bansa.
Inaasahang agad na ililipad ang bangkay patungo sa Sara, Iloilo kung saan naghihintay na ang pamilya ni Joanna.
Samantala, pinauuwi na ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang welfare officer na bigong umaksyon sa reklamong pagkawala ni Demafelis.
Sinabi naman ni Presidential Spokesman Harry Roque na hinihintay pa nila ang pormal na reklamo ng pamilya ni Demafelis laban sa naturang opisyal upang malaman ang tunay na pangyayari.
Umapela naman ang gobyerno ng Kuwait ng kunsiderasyon sa Pilipinas kaugnay sa ipinataw nitong deployment ban sa mga Overseas Filipino Workers.
Ito ang inihirit ni Kuwaiti Ambassador Saleh Ahmad Althwaik sa naging pag-uusap nila ni DFA Secretary Alan Peter Cayetano.
Ngunit nanindigan naman si Cayetano na kailangan ipatupad ng Department of Labor and Employment at DFA ang naging mahigpit na kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Binanggit din ni Cayetano ang pagbaba ng bilang ng ibinibigay na exit permit sa mga Pinoy na nagnanais na umuwi sa bansa simula nang ipag-utos ng Pangulo ang repatriation doon.
Una nang nagpadala ng note verbale amg DFA sa Kuwaiti Ambassador para igiit ang agarang aksyon at dedikasyon ng gobyerno ng Kuwait para matuldukan ang hindi tamang pagtrato at pag-abuso sa mga Pilipino sa naturang bansa.
(May ulat ni Raoul Esperas)