Nakatakdang dumating ngayong araw sa bansa ang labi ni Joanna Minangga, ang OFW na pinatay sa United Arab Emirates.
Sinabi ni Vice Consul Ryan Pondoc ng Konsulado ng Pilipinas sa UAE na si Minangga ay noong Hulyo pa napatay ng kaniyang katrabahong Sri Lankan.
Na-delay aniya ang pagpapauwi ng labi nito sa bansa dahil hindi nakipagtulungan ang kaniyang employer sa mga otoridad.
Ayon sa OWWA o Overseas Workers Welfare Administration, ang mga OFW na namatay dahil sa isang krimen ay may at least 6 na buwan bago iuwi sa bansa dahil kailangan pa itong isailalim sa police investigation at mga pagdinig sa korte sa bansa kung saan ito namatay.
Samantala, pagkalapag ng labi ng Pinay domestic helper sa Mactan Cebu International Airport ngayong araw ay agad itong ididiretso sa kaniyang home province sa Negros Occidental.
Patuloy naman ang apela ng naulilang pamilya ni Minangga sa gobyerno ng Pilipinas na mabigyan sana ng disenteng burol at libing ang kanilang kaanak.
By Allan Francisco