Naiuwi na sa Clarin, Misamis Occidental ang labi ng pinaslang na alkalde ng nabanggit na bayan na si Mayor David Navarro, kahapon, October 27.
Pansamantalang hiniling ng pamilya Navarro na mabigyan sila ng pribadong panahon para makapagluksa bago mabuksan sa publiko ang burol ng alkalde.
Itinakda naman ang araw ng libing kay Navarro sa darating na Linggo, November 3 sa compound ng kanilang tahanan sa Clarin.
Kaugnay nito mariin namang itinanggi ng mga kamag-anak ni Navarro ang naunang pahayag ng pulisya na sangkot ito sa transaksyon ng iligal na droga at sa isang robbery group.
Anila, 2017 pa nagpalabas ng clearance ang PNP-CIDG kaugnay ng pagkakasama ni Navarro sa listahan ng Narco politician habang 2006 naman nagpalabas ng certificate ang Makati City Regional Trial Court na nagpapatunay na wala itong kinalaman sa robbery group.
Samantala, ngayong araw magsisimulang umupo bilang acting mayor ng Clarin si Vice Mayor Clorefe Roa habang acting Vice Mayor ang anak ni Navarro na si first councilor Mel Davidson Navarro.