Patuloy na inaalam ng mga kinatawan ng bansa sa Kuwait ang dahilan nang pagkamatay isang Pilipinang nadiskubreng inilagay sa freezer.
Ayon ito kay Labor Secretary Silvestre Bello III matapos makausap ang Philippine authorities sa Kuwait kaugnay sa nadiskubreng labi ni Joanna Daniella Demafilis na taga-Cagayan.
Ipinabatid sa DWIZ ni Bello na umalis ng bahay ang Lebanese employer ni Demafilis at sinabihan ang katiwala nitong huwag pakialaman ang bahay niya dahil sa mga importanteng bagay sa loob nito.
Tila aniya nagtaka ang katiwala dahil isang taon nang nakasara ang bahay kaya’t kumuha ito ng court order para buksan ang nasabing bahay at tumambad ang matigas nang labi ni Demafilis na nasa loob ng freezer.
Sinabi ni Bello na inaayos na nila ang mga benepisyong dapat makuha ni Demafilis lalo na yung para sa edukasyon ng anim na taong gulang nitong anak.
“Hindi pa nila ma-establish yung cause of death ng ating kababayan, kung sinakal o itinali, baka rin may posibilidad din na namatay, natural death, natakot yung employer, itinago na lang at inilagay sa freezer ganun, so kailangang malaman yung cause of death niya bago siya inilagay sa freezer.” Pahayag ni Bello
(Ratsada Balita Interview)