Naiuwi na ang labi ng Overseas Filipino Worker (OFW) na namatay habang nagtatrabaho sa isa sa mga venue ng 2022 FIFA World Cup sa Qatar.
Kinumpirma ni Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Eduardo de Vega na nasa Santa Ana, Pampanga na ang labi ni Alexander Pabustan.
Ayon kay de Vega, aksidente ang nangyari kay Pabustan na napag-alamang may heart condition.
Inatake anya ito sa puso at bumagsak habang nagtatrabaho sa tabi ng forklift.
Nagpapatuloy pa ang imbestigsyon ng mga otoridad upang mabatid kung may pananagutan ang employer ng OFW.
Tiniyak naman ng DFA na handa silang tumulong sa pamilya ni Pabustan.