Isasalang sa DNA analysis ang bangkay ng Malaysian national na pinugutan ng Abu Sayyaf Group sa Jolo, Sulu.
Ipinabatid ito sa DWIZ ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesman Col. Restituto Padilla makaraang kumpirmahin na natagpuan na ang pugot na ulo ng biktimang si Bernard Then.
“Kinakailangan lang po naming kumuha pa ng DNA analysis para malaman kung ito ba talaga ang sinasabing bangkay ng nasabing Malaysian na napugutan, hindi pa po namin makukumpirma hanggat di namin nakukuha ang lahat ng datos na ito para makakasigurado tayo na ang sinasabing pagpugot nung bihag na Malaysian, yung taong yun nga ang nakuha nating bangkay.” Ani Padilla.
Tiniyak ni Padilla na nagpapatuloy ang pagtugis nila sa mga nasa likod ng pamumugot kay Then.
Una rito, kinondena ni Malaysian Prime Minister Najib Razak ang nasabing pagpugot at tinawag na barbaric at savage ni Razak ang ginawang ito ng mga bandido.
“Tuluy-tuloy naman po ang ating isinasagawang law enforcement operation at pagtugis sa mga kriminal na ito.” Pahayag ni Padilla.
By Meann Tanbio | Ratsada Balita