Inilabas na ng PNP o Philippine National Police Crime Laboratory ang resulta ng isinagawang autopsy sa labi ng binatilyong si Kian Loyd Delos Santos.
Ayon sa mediko ligal ng PNP Crime lab na si Dr. Jane Monzon, dalawang tama ng bala sa likod ng kaliwang tainga na tumagos naman sa kanan ang tumapos sa buhay ni Kian.
Hindi rin maituturing na malapitan ang pagbaril sa binatilyo dahil pababa ang direksyon ng pagbaril na nasa layong 60 sentimetro o katumbas ng dalawang ruler mula kay Kian patungo sa dulo ng baril.
Wala ring bakas ng maitim o mala-uling na kulay at mga butas sa sugat ni Kian at wala rin aniyang senyales na binugbog ang binatilyo bago patayin.
Negatibo rin sa gun powder residue si Kian mula sa kalibre 45 baril na narekober sa kamay ng binatilyo at kumpirmadong shabu nga ang nakuha rito ng mga pulis.
Hindi na rin isinailalim sa drug test ang labi ng binatilyo dahil sa na-embalsamo na ang katawan ni Kian nang isagawa ang autopsiya.
By: Jaymark Dagala / Jonathan Andal
SMW: RPE