Nagsampa ang National Bureau of Investigation o NBI ng labing-anim na reklamo laban kay Yang Jian Xin o Tony Yang, kapatid ng Presidential Economic Adviser ni dating pangulong Duterte na si Michael Yang, hinggil sa pagpeke ng mga pampublikong dokumento; perjury; at paglabag sa Anti-Alias Law.
Ayon sa Department of Justice, nadiskubre umano ng NBI-Region 10 na gumagamit ng maraming alias si Yang upang makapagtayo at makapagrehistro ng iba’t ibang korporasyon sa Security and Exchange Commission sa Cagayan de Oro.
Dagdag pa ng DOJ, isasailalim pa ang labing-anim na reklamong inihain laban kay Yang sa preliminary investigation.
Gayunman, tiniyak din ng ahensya na posible umanong madagdagan pa ang mga isinumiteng kaso laban sa nasabing indibidwal sa mga susunod na araw.
Matatandaang, dumalo si Tony Yang sa mga pagdinig ng Senado at Kamara hinggil sa posibleng koneksyon nito sa iligal na POGO at human trafficking sa bansa. - sa panulat ni Alyssa Quevedo