Nagbabala ang Commission on Elections (Comelec) sa mga kandidato hinggil sa kalabisan sa mga campaign advertisement na makikita sa social media para sa nalalapit na 2019 midterm elections.
Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, tutugisin at sisingilin nila ang mga kandidatong labis-labis ang pangangampanya gamit ang internet.
Gayunman aniya ay hindi muna nila maaaksyunan ngayon ang mga ito at hahayaan muna nila ang mga kandidato na gawin ang kanilang gustong pamamaraan ng pangangampanya.
Gagawin aniya nila ang naturang hakbang pagkatapos na ng halalan sa Mayo 13.
Kaugnay nito ay binigyang-diin din ni Jimenez na hindi nila trabaho na minu-minutong paalalahanan ang mga kandidato sa kung ano ang kanilang dapat at hindi dapat gawin dahil dapat ay alam nila ang mga patakaran hinggil dito.
Samantala, patuloy naman aniya ang pagmomonitor ng Comelec lalo’t ngayong sabay na ang pangangampanya ng mga local at national candidates para sa halalan.