Nanawagan si Senador Risa Hontiveros sa administrasyon na bumalangkas na ng labor agenda upang resolbahin ang lumalalang problema sa sahod at iba pang usapin sa trabaho ng mga manggagawang Pinoy.
Binigyang-diin ni Hontiveros na mahalagang tugunan agad ng gobyerno ang panawagan ng labor groups na labis na naapektuhan ng pandemya.
Kinalampag ng senador ang tinawag niyang All Star Economic Team upang bumuo ng komprehensibong plano na makatutulong sa mga manggagawa laban sa tumataas na inflation rate, bumababang job quality at ang patuloy na unemployment.
Suportado rin ng mambabatas ang mga panukala ng labor groups na pagdaragdag ng sahod at reporma sa proseso sa pag – aapruba ng wage hike, pagkakaroon ng public employment program, pagrebisa sa isyu ng contractualization, trade union repression, at magkaroon ng summit sa industrial at labor relations policies.
Inaasahan din aniya ng labor groups na magkakaroon ng diretsong dayalogo ang administrasyon sa kanila. —sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)