Makaraan ang repatriation ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) na nabiktima ng job scam sa Cambodia, iginiit ng Trabaho Partylist na ang pinaka-epektibong proteksyon laban sa ganitong uri ng panloloko ay ang paglikha ng mas marami at mas de-kalidad na trabaho sa loob mismo ng Pilipinas.
Ayon kay Atty. Mitchell-David Espiritu, tagapagsalita ng Trabaho, kailangang bigyang-prayoridad ang pagbibigay ng living wage at disenteng oportunidad sa mga Pilipino upang hindi na sila mapilitang sumubok ng mga alok sa ibang bansa na kadalasan ay mapanlinlang.
Aniya, hindi sapat ang sahod na panandaliang bumubuhay lamang sa araw-araw at kailangan itong magbigay-daan para sa mga pangmatagalang layunin gaya ng pagmamay-ari ng sariling bahay at maayos na kinabukasan para sa pamilya.
Bilang hakbang, suportado ng Trabaho ang pag-apruba ng mga Regional Tripartite Wage and Productivity Boards sa dagdag-sahod, na makikinabang ang halos limang milyong manggagawa sa buong bansa.
Ipinanawagan din ng grupo ang maayos at mabilis na pagpapatupad ng mga bagong wage orders, pati na ang pagtutulak ng mga non-wage benefits tulad ng healthcare, bayad na leave, childcare support, subsidiya sa transportasyon, at retirement plans.
Naniniwala ang Trabaho Partylist na hindi lamang mga manggagawa ang makikinabang sa mga hakbanging ito, kundi pati ang mga negosyo, dahil sa mas mataas na employee retention at productivity.