Nakukulangan ang grupong Kilusang Mayo Uno (KMU) sa gitna ng mga ipinatupad na dagdag-sahod sa ilang rehiyon.
Ayon kay KMU Secretary-General Jerome Adonis, kailangan pa ring magdagdag ng isang trabaho ang mga manggagawa upang mapunan ang pangangailangan ng kanilang pamilya.
Inilalagay anya ng mga minimum wage earner ang kanilang buhay at kalusugan sa peligro dahil na o-obliga silang magtrabaho ng higit sa walong oras.
Iginiit ni Adonis na dapat ay maging sapat ang sahod ng isang manggagawa mula sa walong oras nitong trabaho para sa kanyang sarili at pamilya.
Una nang inaprubahan ng gobyerno ang P33 wage hike para sa mga minimum-wage earner sa Metro Manila na sisimulang ipatupad sa Hunyo a-4.
Bukod pa ito sa naka-umang din na dagdag-sahod sa Western Visayas, Cagayan Valley, MIMAROPA, SOCCSKSARGEN at Bicol.