Tiwala ang Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) na positibo ang magiging tugon ng Pangulong Rodrigo Duterte sa panukala nitong limandaang pisong (P500) buwanang subsidy sa mga manggagawa.
Ito ayon kay Alan Tanjusay, Spokesman ng grupo ay kasunod nang pahayag ng Pangulo na mayroon itong iaanunsyo para sa mga manggagawa sa paggunita ng mismong Araw ng Paggawa sa Lunes, Mayo 1.
Sinabi sa DWIZ ni Tanjusay na inimbitahan sila ng Pangulo at iba pang grupo ng mga manggagawa sa isang pagpupulong sa Davao City sa Lunes.
“Dapat po ang gobyerno sa kanyang pamumuno ay magbigay ng 500 pesos na subsidy kada buwan para sa mga manggagawa dahil nahihirapan ang mga kababayan natin dahil sa pagtaas ng mga bilihin at pagbagsak ng purchasing power ng kanilang sahod, ikalawa ay naghain po kami ng wage increase petition para madagdagan ang kanilang daily minimum wage, nagbigay ng indication ang Pangulong Duterte na may ibibigay siyang regalo para sa mga manggagawa na iaanunsyo niya sa Lunes.” Ani ni Tanjusay
Kasabay nito, muling binigyang diin ni Tanjusay na dapat nang tuluyang wakasan ang endo at kontraktuwalisasyon sa bansa na siyang nagpapahirap aniya sa mga maliliit na manggagawa.
“Kasama yan sa proposal namin kay Pangulong Duterte na tuparin niya na ang pangako niya noong kampanya at noong nakipag-dayalogo siya sa labor groups na wakasan na ang contractualization. Yung department order na inilabas ni DOLE Secretary Bello, akala namin bawal na ang contractualization pero sa ipinalabas, puwede pa, dahil ina-allow na ang agency hiring at pagpapatayo ng maraming manpower agency, wala nang kaugnayan ang mga manggagawa doon sa mga principal, imbes na diretso sa mga principal employers ang nagiging boss ay ang manpower agency, ang mangyayari yung tamang sahod pagdating sa ating mga manggagawa ay bawas na, napakaliit na ng sahod na kanyang makukuha.” Pahayag ni Tanjusay.
By Judith Larino | AR | Balitang Todong Lakas (Interview)
Photo Credit: Associated Labor Unions