Magkahalong galit at inis ang naramdaman ni Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines o ALU-TUCP Spokesman Alan Tanjusay sa tinukoy ng economic managers na sampung libong pisong (P10,000) budget ng isang pamilya kada buwan.
Sinabi sa DWIZ ni Tanjusay na halos hindi siya nakatulog sa nasabing pahayag ng economic managers na aniya’y hindi nagpapakita ng tunay na kalagayan ng mga Pilipino.
Naniniwala si Tanjusay na tila paper study ang ginamit sa nasabing figures na sadyang hindi sasapat o kulang na kulang para mabuhay ang isang pamilya.
Idinagdag din na salat sa katotohanan at realidad ang inilabas na data ng National Economic and Development Authority o NEDA.
Ayon kay Tanjusay tila lalo pang pinababa ng gobyerno ang kalidad ng buhay ng mga Pilipino matapos mismong itakda ang aniya’y baluktot na panuntunan.
“Out of touch talaga ang gobyerno natin so nakakainis, gobyerno pa man din ang nagpo-promote nitong napakababa at napaka-baluktot na standard, kung ganito ang pamantayan natin, kung ganito ang standard natin, aba eh goodluck, goodbye sa mga Pilipinong mahihirap, paano natin silang maiangat sa kahirapan kung ganito, ang gobyerno mismo ang nagbibigay ng napakababang kalidad ng quality ng kanilang buhay.” Ani Tanjusay
Kaugnay nito, binalaan ng ALU-TUCP ang gobyerno sa anito’y malaking posibilidad na pag-aaklas ng mga Pilipino.
Sinabi sa DWIZ ni ALU-TUCP Spokesman Alan Tanjusay na hindi dapat sagarin ng gobyerno ang mga Pilipino lalo’t pahirap ng pahirap ang buhay at wala nang inaasahang pag-angat pa sa buhay.
“Saan na tayo pupulutin nito so binabalaan ko ang ating government officials huwag nating sagarin ang mga Pilipinong mahihirap, kapag sinagad mo ang mga ‘yan at wala na silang mapupuntahan, wala na silang proseso, sinaraduhan na natin sila ng proseso sa Kongreso, binabara natin sila sa proseso ng wage board, at inaapi sila sa paglabas ng ganito kababang standard, eh wala kaming magagawa kaming labor organizations kapag ang mamamayang Pilipino ay mag-aklas, magwala, na talagang ouit of control dajhil sa kahirapan.” Pahayag ni Tanjusay
Una rito ay inihayag ng NEDA na sapat na ang sampung libong pisong (P10,000) suweldo ng mga manggagawa sa isang buwan para magkaroon ng disenteng buhay ang isang pamilya na may limang miyembro.
Ito ay sa harap na rin ng hinaing sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo o inflation.
Ayon kay NEDA Undersecretary Rosemarie Edillon, batay sa kanilang pagtaya, aabot sa isandaan at dalawampu’t pitong piso (P127) lamang bawat araw ang kailangang ilaan ng isang pamilya para sa pagkain.
(Balitang Todong Lakas Interview)