Umaasa pa rin ang Alliance of Labor Union – Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) na mas malaki sa bente pesos ang ibibigay na umento sa sahod ng National Wage Board para sa mga manggagawa ng NCR.
Ayon kay Allan Tanjusay, Spokesman ng ALU-TUCP, napakalayo naman ng bente pesos sa tatlong daan at dalawampung piso (P320) na laman ng kanilang petisyon sa Wage Board.
Sinabi ni Tanjusay na mayroon naman silang kinatawan sa mga pagdinig ng Wage Board subalit sadyang malakas ang pagtutol at pagla-lobby na ginagawa ng mga employer.
Iginiit ni Tanjusay na batay sa kanilang pag-aaral mangangailangan ng mahigit sa P800 sahod ang isang manggagawa upang mabuhay nang maayos.
“Lalong magiging irrelevant ang Wage Board kapag ang inilabas ay P20, dahil sa panahon na ito ‘yung 20 pesos na dagdag sahod imbes na matutuwa ka, magagalit ka pa eh, ang sasabihin ng mga manggagawa ito ba ang ginagawa ng gobyerno eh nagtaasan na nga lahat ng presyo ng bilihin at serbisyo tapos 20 pesos lang ibibigay ninyo, eh talagang magagalit ang mga kababayan natin.” Ani Tanjusay
Pinuna ni Tanjusay ang kabiguan pa rin ng pamahalaan na matiyak na susunod ang lahat ng kumpanya sa ipinalalabas na wage order.
Batay aniya sa ginagawang monitoring ng Department of Labor and Employment (DOLE), nasa pitumpu (70) hanggang pitumpu’t limang (75) porsyento lamang ang nakakasunod sa wage order.
“Napakaliit na nga ng ibinibigay ng Wage Board eh napakarami pang hindi sumusunod at hindi nagko-comply, 1989 nang itinatag ang batas ng minimum wage hanggang sa araw na ito walang kinasuhan, walang nakulong.” Pahayg ni Tanjusay
(Balitang Todong Lakas Interview)