Hindi na umaasa ang Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) na may regalo ang Pangulong Rodrigo Duterte para sa mga manggagawa sa Araw ng Paggawa sa Miyerkules, Mayo 1.
Sinabi ito sa DWIZ ni Alan Tanjusay, spokesman ng ALU-TUCP dahil wala namang nangyari sa tatlong dialogue na isinagawa nila sa Pangulong Duterte sa mga nakalipas na taon.
Ayon kay Tanjusay, wala silang natanggap na anumang imbitasyon mula sa Malakanyang para sa Labor day ngayong taon upang pag-usapan ang mga posibleng benepisyo para sa mga manggagawa.
Walang mga magagandang resulta ang kinalabasan no’n, kaya’t ngayong May 1, Labor day, hindi na kami umaasa. Nagtataka nga kami bakit sa pagkakataong ito ay wala kaming natanggap na imbitasyon. Ito ‘yung traditional na ginagawa ng mga nakaraang pangulo at nasimulan niya na rin na magkaroon ng Labor day dialogue noong kanyang una at ikalawang taon, no. Pero ngayong May 1, wala kaming natanggap na invitation, so, ibig sabihin, mukhang walang magaganap na dialogue with labor leaders ngayong Miyerkules.” ani Tanjusay.