Pinasisibak na sa pwesto ng mga labor group si DOLE o Department of Labor and Employment Secretary Silvestre Bello III.
Ito ay matapos na lagdaan nito ang Department Order 174 na mahigpit na nagre-regulate sa kontraktualisasyon.
Ayon sa grupong Partido Manggagawa, ito ay dahil sa hindi pagsunod ni Bello sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na tuldukan na ang contractualization tulad ng naging pangako nito noong kampanya.
Sinabi naman ni Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) Spokesman Alan Tanjusay, binibigyan lamang ng laya ng naturang department order ang mga kumpanya na makatipid sa labor cost sa pamamagitan ng pagpapasa ng kanilang responsibilidad sa mga labor agency at kooperatiba.
Nakatakda namang idulog ng Federation of Free Workers ang naturang isyu kay Pangulong Duterte.
“Nagtatrabaho ako para sa ating bansa at sa ating Pangulo.”
Ito naman ang sagot ni Bello sa mga panawagang sibakin siya sa puwesto.
Aniya, handa naman niyang tanggapin kung sasabihin mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte na tanggalin na siya bilang kalihim ng ahensya.
Iginiit ni Bello na bilang Labor Secretary ay limitado din ang kanyang kakayahan na tuluyang tapusin ang endo at contractualization sa hanay ng paggawa sa bansa.
Matatandaang kahapon ay nilagdaan na ni Labor and Employment Secretary Silvestre Bello III ang Department Order (DO) 174 na mahigpit na nagre-regulate sa kontraktwalisasyon.
Nakasaad sa nasabing kautusan ang pagbabawal sa endo o end of contract, pagkuha ng cabo, ang mag sub-contract sa in-house agency ng kumpaniya at mag-sub contract para palitan ang mga manggagawang nasa labor strike.
Bawal rin papirmahin ang mga sub-contract na manggagawa ng antedated resignation, quitclaim kung saan isinasaad na hindi na maaaring habulin ng isang manggagawa ang iba pang dapat niyang matanggap na bayad mula sa kumpanya at blank payroll.
Hindi rin maaaring i-sub contract ang mga trabahong ginagawa ng isang regular na empleyado sa isang kumpanya.
Gayunman, nilinaw ni Bello na hindi nito tuluyang maaalis ang kontraktwaklisasyon sa bansa.
“Gusto ko mang hintuin ang contractualization ay hindi ko magagawa yan dahil may mga batas tayo na nagpapahintulot ng contractual arrangements in some instances.” Pahayag ni Bello
Pinalitan ng DO 174 ang DO 18-A matapos makatanggap ng mga reklamo mula sa mga negosyante at mga manggagawa.
By Krista de Dios | Rianne Briones | AR | Balitang Todong Lakas (Interview)