Muling magkakasa ng malawakang kilos protesta ang malalaking grupo ng mga manggagawa sa darating na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay matapos ikadismaya ng mga ito ang pagpirma ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Executive Order kontra endo na bersyon anila ng Department of Trade and Industry at Employers Confederation of the Philippines (ECOP).
Ayon kay Wilson Fortaleza, convenor ng Nagkaisa Labor Coalition, isang pagtatraydor ang ginawa ng Pangulo kung saan matapos ng ilang ulit na pakikipagdayalogo at pagsusumite nila ng bersyon ng E.O ay wala pa rin anilang pakikinabangan ang mga manggagawa.
Sinabi pa ni Fortaleza, nagsimula na silang magpulong kasama ang mga lider ng iba pang malalaking labor groups sa bansa para plantsahin ang kanilang isasagawang pagkilos kasabay ng SONA.
Dagdag pa ni Fortaleza bukod sa mga labor groups, makikiisa rin aniya rito ang iba pang mga sektor tulad ng mga magsasaka, kabataan, transportasyon at mga biktima ng karahasan.